Makasaysayang Balangiga bells ibibiyahe na pabalik sa bansa

Ang Balangiga bells ay ang tatlong kampana na tinangay ng United States Army bilang war trophies sa kasagsagan ng Philippine-American War noong 1901.

Simula pa noong 1950s, marami nang kinatawan ng Simbahang Katoliko, ng pamahalaan at mga mamamayan ng Balangiga ang humimok sa Estados Unidos na maibalik ang mga kampana ngunit nabigo sila.

Imahe mula sa US Embassy sa Maynila

ngunit sa wakas ay pumayag na rin ang Amerika na maibalik ang mga iyon na labis na ikinatuwa ng mga residente ng bayan ng Balangiga sa Eastern Samar.

Ayon sa ulat ng Inquirer, sinabi ng United States Embassy sa Maynila na nakahanda na ang tatlong kampana upang maibiyahe pabalik sa Pilipinas. Nagbahagi pa ang embahada ng mga larawan na nagpapakita na ang mga kampana ay ini-impake na.

Imahe mula sa US Embassy sa Maynila

Sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na inaasahang darating sa Villamor Air Base ang Balangiga bells sa ika-11 ng Disyembre. Aniya, ang mga iyon ay nasa isang American Air Force Base na sa Guam.

“Nandiyan na sa Andersen Air Force Base sa Guam. Nandiyan na ‘yung tatlo. Naghihintay lang sila ng time,”ani Lorenzana.

Imahe mula sa CBCP

Dagdag pa ng kalihim, hindi kaagad ibabalik sa bayan ng Balangiga ang tatlong kampana upang magkaroon naman ng pagkakataon ang mga residente sa Maynila na makita ang mga iyon. Aniya, sa ika-15 ng Disyembre pa marahil dadalhin sa St. Lawrence the Martyr Church sa Balangiga ang tatlong makasaysayang kampana.