Broadway Diva Lea Salonga, bibida sa theatrical play na “Sweeney Todd”

Gaganap bilang Mrs. Lovett ang Broadway Diva at Pinoy pride Lea Salonga sa theatrical play na “Sweeney Todd: The Demon Barber of Fleet Street” sa 2019.

Kinumpirma ng Atlantis Production ang pagiging bahagi ng cast sa kanilang Facebook account noong Disyembre 8, 2018.

Iclick ang larawan upang mabasa ang buong post mula sa Facebook account ng Atlantis Theatrical Production

Ipinahayag ni Lea ang kanyang saya at pagkasabik sa bagong proyekto sa pamamagitan ng kanyang social media accounts gaya ng Twitter at Instagram.

Larawan mula sa Twitter account ni Lea Salonga

Makakasama ni Lea ang singer na si Jett Pangan na gaganap bilang Sweeney Todd. Itatanghal ang naturang play sa The Theater at Solaire sa Oktubre 2019 bilang bahagi ng 20th anniversary ng Atlantis.

Ang obra maestrang ito nina Sondheim at Hugh Wheeler ay naging matagumpay sa iba’t ibang panig ng daigdig; patunay ang walong ulit na parangal mula sa Tony Awards para sa Broadway premiere, gayundin sa prestihiyosong Olivier Award para sa parangal na Best New Musical.

Gagampanan ni Lea ang karakter ni Mrs. Lovett, ang meat pie maker, na kilala sa paggawa ng “worst pies sa London.”

Ang theater actress na si Angela Lansbury ang gumanap bilang Mrs. Lovett sa orihinal na Broadway production at si Patti Lupone naman sa huling revival nito.

Huling pagsalang sa tanghalan ng Atlantis ni Lea Salonga ang pagganap bilang Helen Bechdel sa critically acclaimed production na “Fun Home”, sa ilalim din ng Atlantis Production.

Gumanap din siya bilang Erzulie sa Broadway na “Once on This Island”.

Si Lea Salonga ay nakilala at sumikat nang husto sa daigdig dahil sa kanyang mga hindi malilimutang pagganap sa “Miss Saigon” at “Les Miserables”.