Ama pinaglakad ng 5 milya ang 10-anyos na anak dahil nam-bully ng kapwa estudyante

Isang ama sa Ohio ang nagbahagi sa Facebook ng isang video na nagpapakita ng ginawa niyang parusa sa kanyang 10-taong-gulang na anak na babae. Pinaglakad niya ang anak ng limang milya patungong paaralan.

Sa naturang video makikita ang bata na naglalakad habang mabagal na nakasunod ang sasakyan na minamaneho ng ama.

Imahe kuhasa viceo ng Semanario SOL

Ayon sa ama na kinilalang si Matt Cox, pinaglakad niya ang kanyang anak bilang parusa sa ginawa nitong pambu-bully sa kapwa estudyante. Ikalawang beses na raw nasuspinde sa pagsakay ng school bus ang anak ngayong school year dahil sa pambu-bully.

Alam daw ni Cox na hindi lahat ng mga magulang na makapapanood ng video ay sasang-ayon sa kanyang pamamaraan ng pagpaparusa at naiintindihan niya raw iyon. Aniya, ginawa niya ang sa tingin niya ay tama at nararapat.

“So, today my beautiful daughter is going to walk five miles to school in 36 degree weather. I know a lot of you parents are not going to agree with this, but that is alright. For the second time this school year she’s been kicked off the school bus due to bullying another student,” paliwanag ni Cox.

“Let me make this extremely clear: Bullying is unacceptable, especially in my household,” dagdag pa ni Cox.

Imahe mula sa Facebook account ni Matt Cox

Hati naman ang mga komento ng nakapanood ng video. May pumanig kay Cox at nagsabing tama ang  ginawa niyang pagdidisiplina sa anak at mayroon ding hindi sang-ayon sa ginawang pagpapalakad sa anak sa gitna ng malamig na temperatura.

Sa kasalukuyan, ang video ay may mahigit 20 million views at halos 400,000 shares na.

Sa isang update post, sinabi ni Cox na maayos naman ang kalagayan ng anak matapos ang parusa. Aniya, tila nagkaroon ng bagong pananaw hinggil sa bullying ang kanyang anak at nagkaroon ito ng bagong pagpapahalaga sa mga simpleng bagay sa buhay na dati ay pinagwawalang-bahala lang.