#Vince: Loyal na aso sumakay ng jeep para masundan ang amo

Basta’t kuwentong alagang aso, tiyak na marami ang interesado; kaya naman hindi na nakapagtataka na muling may nag-viral na aso sa social media — dahil sa pagsakay nito sa isang jeep upang makahabol sa kanyang amo.

Image capture of video by Nova Tapuyao via Facebook account

Ayon sa Facebook post ni Nova Tapuyao: “My sister on her way home found this cutie riding a jeepney looking anxious and then this happens…”

Lumalabas kasi na noong Biyernes, Nobyembre 2, ay isang aso pala sa Cebu ang agad na sumakay sa isang pampasadang jeep malapit sa Kapitolyo ng Cebu upang masundan ang kanyang ‘bossing’.

Makikita sa video na tila balisa ang aso at nakatanaw ito sa labas ng sasakyan na parang may hinahanap.

Noong huminto saglit ang sinasakyan nitong jeep sa Gudalupe-Banawa intersection ay nagkataon namang katabi ng jeep ang sasakyan na kinalululanan ng amo ng aso.

I-click ang imahe upang mapanood ang video

Nagkataon, nagkatagpo?

Nagulat umano ang babaeng bossing nang makita niya ang kanyang aso sa kabilang sasakyan sabay tawag dito ng  “Vince.” Kita sa clip ang katuwaan ng aso na sumama na sa kanyang amo na kalaunan ay nalaman natin na nagngangalan palang Clarissa Carillo dahil sa pagpost nito ng kanilang larawan.

Image shared by Clarissa Carillo on Facebook

Kinalugdan ng mga netizens si Vince dahil sa angkin nitong talino at pagiging habol sa kanyang amo. Mayroon din namang nag-alala pagkat paano kung hindi sila naabutan ng aso? Baka naligaw na ito at napahamak.

Well, ang mahalaga sa ngayon, masaya si Vince dahil kasama na niya ang kanyang bossing na halatang maalaga sa kanya. Ang ganda ng kanyang pangangatawan, ‘di ba?

Image shared by Clarissa Carillo on Facebook

Wala siyang kamalay-malay na marami na rin siyang fans na kanyang napasaya dahil sa kanyang viral video na may mahigit 2 milyon na views na at 41K na shares.

Tunay nga naman — “Dogs are man’s best friend.”