Unang araw ng pasahan ng aplikasyon sa Kuwait Airways, dinagsa ng mga aplikante

Kahit araw ng Linggo tumapat ang unang araw ng pasahan ng aplikasyon, dumagsa ang mga aplikante sa isang manpower agency sa Maynila upang mag-apply sa mga trabahong inaalok ng Kuwait Airways.

Imahe mula sa Kuwait Airways

Sa naunang ulat ng Virtual Pinoy, ang Kuwait Airways ay nag-anunsiyo na nangangailangan sila ng 459 Filipino workers para sa iba’t ibang posisyon. Kabilang sa mga trabaho o posisyong alok ng aviation company ang traffic officer, assistant traffic officer, assistant load control, assistant cargo officer, cargo opera­tor, cargo coordinator, at baggage sorter.

Imahe kuha sa video ng ABS-CBN

“We are looking for highly skilled people, highly committed and hardworking people,” pahayag ni Athbi Salah al-Sheeha, ang talent acquisition manager ng Kuwait Airways.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN, umabot sa isandaang aplikante ang nagtungo sa Yaazeemir International Manpower Agency na matatagpuan sa 4th floor Room 405 Ap building 1563, F. Agoncillo corner Pedro Gil Streets sa Ermita, Maynila, noong Linggo, ika-4 ng Nobyembre.

Imahe kuha sa video ng ABS-CBN

Ang mga masuwerteng matatanggap ay maaari umanong sumahod ng 325 Kuwaiti Dinar o katumbas ng halos P57,000 kada buwan. Libre rin umano ang plane ticket pauwi ng Pilipinas kapag natapos na ang dalawang taong kontrata.

Posible umanong ma-renew ang kontrata kung maganda ang ipinakitang performance ng mga manggagawa.

Ang pagpasa ng aplikasyon ay magtatagal hanggang ika-15 ng Nobyembre 2018.