Para kanino ka bumabangon? Nag-viral na Cum Laudeng Sekyu Patuloy na Nagbibigay ng Inspirasyon

Kung nanonood ka sa inyong telebisyon, malamang napapanood mo ang isang commercial ng popular na kape kung saan tila pamilyar ang lalaki na “matapang na bumabangon” sa araw-araw.

Gaano man kahirap ay makakamtan mo ang katuparan iyong pangarap. Ito ay pinatunayan ng isang security guard na nag-viral noon dahil pinagsabay niya ang pag-aaral at pagtatrabaho.

Siya si Erwin Macua, 40, tubong Trinidad, Bohol; na nagtapos bilang isang cum laude sa mismong kolehiyo na kanyang pinaglilingkuran noong Marso 25 ng nakaraang taon. Nagtapos siya sa kursong Bachelor of Elementary Education Major in General Education degree.

Naibalita sa social media na ang masipag na guard ay nag-night duty pa ilang oras bago ang kanyang maligayang pagtatapos.

Isa pa sa nakahahanga kay Macua ay isa rin siyang ama na bumubuhay sa tatlo nilang anak ng kanyang maybahay. Kanyang pinagsabay-sabay ang pag-aaral, pagtatrabaho, at pagbuhay sa kanyang pamilya. Halos 20 taon siyang naglingkod sa St. Theresa’s College sa siyudad ng Cebu.

Aniya, ang kahirapan at edad ay hindi dapat maging hadlang upang maabot ng isang tao ang kanyang pangarap. Ang kailangan lang umano ay magsikap at manalangin sa Diyos

“Age is not a hindrance, poverty is not a hindrance. Just pursue your dream with the formula: hard work plus determination plus prayer and you will reach your aspirations in life,” sabi ni Macua.

[Ang edad at kahirapan ay hindi dapat maging balakid sa pagtupad sa mga pangarap. Ipagpatuloy lang ang pangarap. Magtrabaho at manalangin upang makamtan ang mithiin.]

Sabi ni Macua, matagal na umano niyang pinangarap na makatapos sa pag-aaral at maging isang guro. Ginusto niya umanong maging guro dahil malapit siya sa mga bata.

“Education is a good course to deal with students and you can really change their lives,” aniya.

[Ang kursong Education ay maganda dahil sa pag-aaral nito ay makatutulong kang bigyan ng magandang kinabukasan ang mga bata.]

Noong una umano ay ginamit niya ang maliit niyang ipon upang mairaos ang unang taon sa kolehiyo ngunit may isang mabuting tao na ayaw magpakilala na nagbayad sa sumunod niyang tuition.

Nagpatuloy pa rin siyang sa pagiging guard habang nagre-review para sa teachers’ licensure exams na ginanap noong Setyembre 2017 at mapalad na nakapasa. Kahanga-hanga talaga!

Ang mga batang kanyang binabantayan noon…ay kanya nang tinuturuan ngayon.

Isa siyang tunay na inspirasyon at nakasisigla lalo na siya ay nakikita natin sa telebisyon sa commercial na ito ng sikat na kape.

Ipinakita rin sa video ng STC Chronicles ang kanyang masayang pagtuturo ngayon.

I-click ang imahe upang mapanood ang video ng STC Chronicles sa Facebook page nito