Pagmumura, pang-iinsulto bawal na sa Baguio City

Aprubado na ng Baguio City Council sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang ordinansa na layong ipagbawal ang pagmumura at anumang uri ng pang-iinsulto sa mga piling institusyon at establisyimento na madalas puntahan ng mga bata at mga estudyante.

Imahe mula sa Lakbay Pilipinas

Ayon sa ulat ng Manila Bulletin, ang “Anti-Profanity Ordinance of Baguio City” ay pirmado na ni Baguio City Mayor Mauricio Domogan.

Ang ordinansa, na akda ni Councilor Lilia Fariñas, ay nagbabawal sa pagmumura, pagbibigkas ng pang-iinsulto o anumang salitang maituturing na kalapastanganan bilang ekspresyon, pagpapakita ng galit, sorpresa, sama ng loob o ng anupamang matinding emosyon.

Imahe mula sa Cush travel

Ang ordinansa ay ipatutupad sa mga paaralan, computer o internet shop, arcade at iba pang establisyimento na madalas puntahan ng mga bata at mga high school at college students.

Ang mga estudyanteng lalabag sa ordinansa ay maaari umanong ma-expel sa pinapasukang paaralan.

Imahe mula sa Crosswalk

Ayon pa rin sa ordinansa, ang lahat ng mga paaralaan at mga nabanggit na establisyimento ay inaatasan na maglagay ng mga karatula na nagsasabing ipinatutupad sa kanilang lugar ang ordinansa.