Nangati ang kamay, tumaya sa Lotto, nanalo ng $2M jackpot

Isang ginang sa Estados Unidos ang nagkamal ng malaking halaga ng salapi dahil sa paniwala niya na ang pangangati ng kanyang kamay ay nangangahulugan na may darating na pera.

Imahe mula sa Michigan Lottery

Ang masuwerteng ginang ay kinilalang si Jacquatte Prater, 28 anyos, na residente sa siyudad ng Flint, Michigan. Napanalunan niya ang $2-million jackpot ng Michigan Mega Millions with Megaplier lottery noong Martes, ika-30 ng Oktubre.

Ayon sa UPI, ikinuwento ni Prater sa mga opisyal ng Michigan Lottery na nagsimula siyang maglaro ng Mega Millions isang buwan pa lang ang nakalilipas dahil sa pangangati ng kanyang palad.

“My hand started itching about a month ago, and I’ve always heard that mean you’re about to come in to some money so I’ve been playing Mega Millions ever since,” ani Prater.

[Nagsimulang mangati ang kamay ko isang buwan na ang nakararaan, at palagi kong naririnig na ang ibig sabihin noon ay may darating na pera sa iyo kaya simula noon ay naglalaro na ako ng Mega Millions]

Noong Miyekules ng umaga, ika-31 ng Oktubre, nagising raw si Prater sa tawag sa telepono ng kanyang matalik na kaibigan na nagsabing may isang tao na nakabili ng winning ticket sa  Clio Road Sunoco station sa Flint – kung saan siya bumili ng lottery ticket.

Imahe mula sa Michigan Lottery

“My fiance, Jim, and I got out of bed as quick as we could to go check our tickets at the store near our house. When we scanned it, both of our hearts dropped and we started celebrating!” masayang kuwento ng ginang.

[Agad kaming bumangon ng fiance kong si Jim upang i-check ang mga ticket namin sa tindahang malapit sa amin. Matapos naming ma-scan ang ticket ay nalaglag ang puso namin at nag-celebrate na kami]

Gagamitin raw nila ang napanalunang pera sa “smart investments” at magbubukas ng restaurant. Ipagsa-shopping niya rin umano ang mga anak nila.

Nang tanungin siya kung nagangati pa ang kanyang mga kamay, sinabi ni Prater na hindi na,. Nagpapawis na lang daw  iyon. Hindi raw siya talaga makapaniwala na nanalo siya.