Mga alagang aso nag-ala reindeer sa paghila ng kariton sakay ang among hirap sa paglalakad

Nag-viral sa social media ang video ng mga aso na tila mga reindeer na humihila sa munting kariton ng isang lalaki na diumano ay hirap na sa paglalakad.

Imahe kuha sa video ng ABS-CBN

Ibinahagi ng isang beterinaryo na nagngangalang Dr. Charlimagne Fugata sa kanyang Facebook account ang nasabing video kung saan umani ito ng sari-saring komento.

Ayon kay Dr. Fugata, nadaanan nila ang lalaki na kinilalang si Vicente “Vic” Tabujara Jr., 68 anyos na welder, na residente sa Pigcawayan, North Cotabato, habang nakasakay sa isang “lightweight carriage” na hinihila ng apat na aso.

Imahe kuha sa video ni Dr. Charlimagne Fugata

Sa panayam sa kanya ng ABS-CBN, sinabi ni Vic na nahihirapan siya sa paglalakad simula nang maaksidente siya noon sa trabaho kaya paminsan-minsan ay nagpapahila sa mga aso sakay ng kariton.

Kuwento pa niya mga gulay at organic food umano ang ipinapakain niya sa mga alaga.

“Di baleng di ako makakain, sila muna kakain. Mas mahalaga sila sa buhay ko,” ani Vic.

Sa tingin ng iba ay pagmamaltrato sa mga aso ang ginawa ni Vic, samantalang wala namang nakitang masama roon ang iba, kabilang na ang beterinaryong  si Dr. Fugata.

Imahe mula sa Facebook account ni Dr. Charlimagne Fugata

Ayon sa Provincial Veterinarian’s Office ng Cotabato, base umano sa amended Animal Welfare Act, maituturing na paglabag sa batas kung nagkaroon ng distress, na-harass o nasaktan ang mga hayop.

Hindi naman umano minamaltrato o sinasaktan ni Vic ang kanyang mga alagang aso na itinuring na niyang kapamilya.