Maymay Entrata imbitado sa casting call para sa Arab Fashion Week sa Dubai

Naimbitahan ang aktres-model-singer na si Maymay Entrata sa casting call o audition para sa Arab Fashion Week na gaganapin sa Dubai sa ika-21 hanggang ika-28 ng Nobyembre 2018.

Ayon sa ABS-CBN, ang imbitasyon ay galing umano sa Amato Couture, isang leading fashion house sa Dubai na itinatag ng Pinoy creative designer na si Furne One.

Imahe mula sa Facebook page ng Arab Fashion Council

Kung sakaling makakapasa si Maymay sa nasabing casting call, siya ang magiging kauna-unahang Pilipina na rarampa sa entablado ng Arab Fashion Week.

Nauna sa imbitasyon ng Amato Couture, si Maymay ay inimbitahan din ng tanyag na fashion designer na si Rajo Laurel. Sa Twitter, sinabi ng designer na pangarap niya na rumampa si Maymay sa isa niyang show na gaganapin sa ika-23 ng Nobyembre. Ipagdadasal niya raw na matupad iyon.

Imahe mula sa Twitter page ni Rajo Laurel

Ibinahagi rin ni Rajo sa Twitter account niya ang isang post ni Maymay sa social media na nagpapasalamat sa kanyang imbitasyon.

Sa isang panayam, inamin ni Maymay na itinuturing niyang isang malaking karangalan na maimbita ng isang katulad ni Rajo.

“Sikat na designer po ‘yun eh parang nakakapawis ba…Kahit hindi niya ako tanungin, o-oo ako doon, si Sir Rajo ‘yun eh,” ani Maymay na nagsabi pa na bukas siya sa pormal na training sa pagmomodelo.

Imahe mula sa Instagrgam account ni Maymay Entrata