Konstruksyon ng P 175-B PNR South Railways sisimulan na sa susunod na taon

Ang konstruksyon ng Philippine National Railways (PNR) South Railways, na tinatawag ding South Long Haul Project, ay sisimulan na sa 2nd quarter ng 2019.

Imahe mula sa Facebook page ng PNR

Ang nasabing proyekto, ayon sa Manila Standard, ay nagkakahalaga ng mahigit P175 bilyon at may haba ito na 639 kilometro mula Maynila hanggang sa Sorsogon sa Bicol Region.

Sa isang pahayag, sinabi ni Albay Representative Joey Salceda, ang pangunahing nagpanukala ng proyekto, na ang PNR South Railways ay isa lang sa mga malalaking proyekto na popondohan ng China sa ilalim ng kasunduang Official Development Assistance na lalagdaaan ni Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping, na nakatakdang bumisita sa bansa ngayong buwan ng Nobyembre.

Imahe mula sa PNR

Ang proyekto, ayon pa rin kay Salceda, ay magsisilbing susi na magbubukas ng pang-ekonomiyang potensyal ng Bicol Region at Southern Tagalog.

Kapag natapos na ang proyekto, ang biyahe ng tren mula sa Maynila hanggang sa Sorsogon ay limang oras na lamang kumpara sa mahigit sampung oras kung bus ang sasakyan.

May siyam na train stations ang PNR South Railways – Manila, Los Baños, Batangas City, Lucena, Gumaca, Naga City, Legazpi City, Sorsogon City at Matnog sa Sorsogon.

Sa naunang pahayag ni PNR General Manager Junn Magno, mahigit dalawang buwan na ang nakalilipas, ang proyekto ay hindi isang simpleng renovation o modernization lamang ng PNR kundi isang “total transformation.”

Aniya, ang mga lumang riles ay aalisin lahat at papalitan ng bago upang tumugma sa mga bagong bagon ng tren na diumano ay tatakbo sa bilis na 120 kilometro kada oras.

Imahe mula sa PNR

Ang mga riles ay magkakaroon din umano ng security fence katulad ng sa Metro Railways Transit at magiging elevated ang mga intersections at highway crossings katulad ng skyway.