Isang barko na puno ng basura mula sa South Korea nakapasok sa bansa

Isang barko mula sa South Korean na may kargang tone-toneladang diumano ay plastic synthetic flakes ang dumaong sa Mindanao International Container Terminal (MICT) sa Tagaloan, Misamis Oriental noon pang buwan ng Hulyo.

Imahe kuha sa video ng ABS-CBN

Natuklasan ng Customs Intelligence and Investigation Service ng Bureau of Customs na misdeklarado ang nasabing kargamento dahil sa halip na plastic synthetic flakes ang laman ng barko ay mga basurang plastic at iba pang materyales ang laman niyon.

Sa panayam sa kanya ng ABS-CBN, sinabi ni MICT Port Collector John Simon na kung plastic flakes ang nakadeklara, dapat ay plastic flakes lang ang laman ng barko at wala nang iba.

Imahe kuha sa video ng ABS-CBN

“Kapag ka sinabi mo na ‘yan ay plastic flakes, dapat puro plastic flakes ang makikita mo d’yan. Pero nakita namin may kahoy at iba-ibang mga materials,”  ani Simon.

Ayon sa BOC, ang consignee ng mga kargamento ay ang South Korean company na Verde Soko Philippines Industrial Corporation na nakabase sa Tagaloan.

Hindi naman maipaliwanag ni Elmer Heruela, senior supervisor sa naturang kumpanya, kung bakit mga basura ang laman ng kargamento sa halip na plastic flakes na diumano ay gagawing plastic pellets na gagamitin nila bilang alternative  fuel.

Imahe mula sa Facebook page ng EcoWaste Coalition

Nanawagan naman ang grupong EcoWaste Coaliton sa mga awtoridad na huwag tanggapin ang mga basurang kargamento at sa halip ay agad na ibalik ang mga iyon sa bansang pinanggalingan.