Briones: “Filipino at Panitikan, palalakasin pa!”

Palalakasin pa ang pagtuturo ng Filipino at Panitikan sa ilalim ng K to 12 program; ito ay ayon sa Department of Education.

Ang pahayag ay kasunod ng pagtanggal sa Wika at Panitikan bilang core subjects sa kolehiyo makaraang magbaba ng hatol ang Korte Suprema.

Sa ulat ng Pilipino Star, sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na ang mga asignaturang ito ang nagpapaalala sa pagiging Pilipino kaya hindi ito dapat  isantabi at talikuran.

Dagdag pa ng Kalihim, kabilang ang asignaturang Filipino sa basic education subjects at senior high school kahit inalis pa ito sa kolehiyo.

Matatandaang kasabay ng pagbaba ng desisyon sa pag-alis sa Wika at Panitikan ng Korte Suprema ang pagdeklara na konstitusyunal ang K to 12 program ng pamahalaan.

Imahe mula GMA video via You Tube

Samantala, tinatayang nasa 10 libong mga guro ang inaasahang mawawalan ng trabaho kasunod ng pag-alis ng Wika at Panitikan bilang core subject sa kolehiyo.

Binatikos naman ng ilang mga grupo,  partikular ng Tanggol Wika at mga guro sa Filipino, ang naging hatol na ito ng korte.  Nagsagawa naman ng kilos-protesta ang ilang mga estudyante ng UP Diliman hinggil sa isyung ito.

Naging mainit rin itong usapin sa social media.

Panoorin ang video na ito ng GMA para sa iba pang detalye:

Tumututol ka rin ba sa pag-aalis ng mga ito sa mga subjects sa kolehiyo?