Aquaman star na si Jason Momoa bibisita sa bansa para sa premier ng pelikula

Nakatakdang bumisita sa bansa si Jason Momoa, ang aktor na gumanap bilang si Arthur Curry o mas kilala bilang Aquaman sa pelikulang hatid ng Warner Bros. Pictures.

Image via Wikipedia

Makakasama ni Momoa sa pagbisita sa Maynila ang co-star niyang si Amber Heard at director nilang si James Wan para sa Manila-leg ng Asian Premier ng Aquaman movie na gaganapin sa ika-11 ng Disyembre.

Ayon sa CNN Philippines, kinumpirma ng Warner Bros. Philippines ang nakatakdang pagdating nina Momoa sa bansa kung saan mayroon din silang fan event na dadaluhan. Ang lugar at iba pang detalye ng event ay hindi pa inaanunsiyo.

Bukod sa Maynila, magtutungo rin umano ang cast ng Aquaman sa Beijing, London, New York, Los Angeles, Miami, Gold Coast, Sydney, at Hawaii bilang bahagi ng multi-city tour para sa pelikula.

Bago gumanap bilang Aquaman, kilala si Momoa bilang si Khal Drogo na lider ng Doothraki, isang tribo ng mga mandirigma sa popular na TV series na “Game of Thrones.”

Ang Aquaman ay ipalalabas sa mga sinehan sa bansa sa December 13. Kaabang-abang!