World-class na terminal ng bus, UV express at jeep na mala-airport sa ganda, magbubukas na

Ang world-class na inter-modal terminal na Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ay bubuksan na sa ika-5 ng Nobyembre – tamang-tama para sa parating na holiday rush at inaasahang pagdagsa ng mga sasakyan sa mga pangunahing kalsada sa Kamaynilaan.

Imahe mula sa DOTr

Inaasahan na ang operasyon ng PTIX ay makababawas sa bilang ng mga provincial buses na pumapasok sa Metro Manila, partikular na sa Taft Avenue-Pasay at sa EDSA, ayon sa kalihim ng Department of Transportation (DOTr) na si Arturo Tugade.

“Handa na po kaming buksan ang kauna-unahan nating landport. Isa itong terminal kung saan parang airport ang facilities at serbisyo. This is not just your ordinary terminal, but a landmark transportation hub that is set to uplift the overall terminal experience of our countrymen. Para po ito sa inyong lahat,” anang kalihim sa isang pahayag sa Facebook page ng DOTrPH.

Imahe mula sa DOTr

Ang PITx ay napakakomportable para sa mga biyahero at maging sa mga driver dahil fully–airconditioned ang tatlong palapag na gusali. Katulad ng isang airport, mayroong itong departure at arrival area. Sa unang palapag ang departure area kung saan mayroong 59 bays para sa mga bus at 49 bays para sa UV Express at mga jeepneys.

Imahe mulasa DOTr

Ang arrival area ay nasa ikalawang palapag at ang ikatlong palapag ay ang parking area na may 852 espasyo para sa mga pribadong sasakyan. May luggage carts din sa terminal para sa mga bagahe ng mga pasahero.

Imahe mula sa DOTr

Mayroon ding libreng Wi-Fi access, free charging stations, drinking water stations, malilinis na palikuran, prayer room, health clinic at breastfeeding room. May mga wheelchair na maaaring gamitin ng mga senior citizens at persons with disability at higit sa lahat ay may centralized shoping center sa loob ng terminal kung saan maaaring bumili ng mga pagkain at iba pang kakailanganin ng mga biyahero.

Pangungunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang inagurasyon ng modernong terminal na kayang magserbisyo sa 100,000 pasahero kada araw.