“Work-from-home” bill, pirma na lang ni Pang. Duterte ang hinihintay bago maging batas

Pirma na lang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hinihintay bago maging isang ganap na batas ang “work-from-home” bill o ang Telecommuting Act of 2017. Ito ay matapos maratipikahan ng Senado at Kamara ang report ng bicameral conference committee.

Imahe kuha sa video ng ANC

Inanunsiyo ito ni Senator Joel Villanueva, ang may akda ng nasabing panukalang batas, sa pamamagitan ng isang pahayag na inilahatla sa website ng Senate of the Philippines noong Huwebes, ika-18 ng Oktubre 2018.

Sa ilalim ng nasabing panukala, hinihimok ang mga employers na bigyan ng opsyon ang kanilang mga empleyado na magtrabaho sa kanilang bahay gamit ang computer o telecommunicating device sa halip na bumiyahe patungong opisina.

Imahe mula sa Facebook page ni Sen. Joel Villanueva

Bukod sa itataguyod ng nasabing panukalang batas ang work-life balance para sa maraming manggagawang Pilipino, makatutulong din ito na maibsan ang masikip na daloy ng trapiko sa mga pangunahung lansangan, lalo na sa EDSA, dahil mababawasan ang mga taong bumibiyahe patungo sa kanilang mga pinapasukan at makababawas din ito sa transportation cost ng mga empleyado.

Mananatiling opsyonal o boluntaryo lang ang “work-from-home” at nakabatay ito sa magiging kasunduan ng employer at empleyado. Sinisiguro rin ng panukalang batas ang karapatan ng mga home-based workers sa kaparehong sahod, mga benepisyo at promosyon tulad ng mga office-based employees.

Sa oras na maisabatas na ang panukala, ang mga establisyimento sa piling industriya ay kinakailangang magkaroon ng telecommunicating pilot program na hindi lalampas sa tatlong taon.