Vice Ganda binatikos dahil sa litrato kasama si Imee Marcos

Nakatanggap ng pambabatikos mula sa ilang netizens ang “It’s Showtime” host na si Vice Ganda dahil sa isang larawan na kumalat sa social media kung saan makikita siyang kasama si Ilocos Norte Governor Imee Marcos.

Sa naturang litrato, makikita si Vice Ganda na naglalakad sa isang paliparan sa Ozamis City kasama si Imee Marcos. In-upload ang nasabing larawan sa Twitter account ng isang “Study of RM” noong ika-21 ng Oktubre.

“Bakit kaya balot na balot si Momshie @vicegandako kasama si Mareng Imee Marcos sa Ozamis City??? The down fall of the unkavogable star! Oh I forgot Vice and Bongbong history back in 2014,” tweet ni Study of RM.

IMahe mula sa Twitter account ni Study of RM

Kinabukasan, ika-22 ng Oktubre, sinagot ni Vice Ganda sa pamamagitan din ng isang tweet ang isyu tungkol sa larawan.

“May mga taong ginagalit ang mga sarili nila dahil sa kasinungalingang pinaniniwalaan nila na sila lang din naman ang may likha!” ani Vice.

Sa mga sumunod na tweet ay nilinaw ng TV host na nagkasabay lang sila ng gobernador sa eroplano at hindi umano siya endorser ng mga Marcos o ng kahit sino pa mang pulitiko.

“Ok para sa mga fans ko na nagtatanong. Wala akong pakelam kung anong iteniraryo ni Imee Marcos sa Ozamis nung nakasabay ko sya sa eroplano. Nagpunta ko dun para mang aliw ng mga taga Ozamis City. Di para magendorso ng kahit sinong pulitiko. Di ako endorser ng mga Marcos!” tweet ni Vice.

Sa isa pang tweet ay nagawa pa ni Vice Ganda na magbiro tungkol sa larawan.

Imahe mula sa Twitter account ni Vice Ganda

“So dahil sa picture na to supporter na agad ako ni Imee? Di pa pwedeng supporter ako nung mamang naka puti dun sa likod?! Lol!”

Si Imee Marcos ay tatakbong senador sa nakatakdang midterm elections sa susunod na taon.