Suhestyon ni Gov. Imee Marcos, suspindehin ang VAT sa mga pangunahing bilihin

Sa halip na hintayin pa ang suspensyon sa fuel excise hike sa nakatakdang ipatupad sa susunod na taon, ang suhestyon ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos ay ang agarang pagsuspinde ng value added tax (VAT) sa mga pangunahing bilihin.

Imahe mula sa Facebook page ni Imee Marcos

Ayon sa ulat ng Inquirer, sinabi umano ng gobernador na agarang mararamdaman ng milyun-milyong pamilyang Pilipino ang pakinabang kung sususpindehin ang VAT na ipinapataw sa mga basic food commodities gaya ng bigas karne at gulay; at sa mga produktong petrolyo at kuryente.

Hindi na umano mahihintay pa ng mga Pilipino ang resulta ng mga pamamaraang ginagawa ng pamahalaan upang mapababa ang inflation o pagtaas ng mga presyo ng bilihin. Gayundin, hindi na rin aniya mahihintay ng mga Pilipino ang pagbaba ng halaga ng krudo sa pandaigdigang merkado.

Isang taong suspensyon sa VAT ang hirit ni Gov. Marcos, batay sa isang post sa kanyang Facebook page.

Imahe mula sa Facebook account ni Imee Marcos

Sinabi ni Gov. Marcos, tatakbo bilang senador sa midterm elections sa susunod na taon, na isa ang Ilocos sa mga higit na naapektuhan ng pagtaas ng antas ng presyo ng mga bilihin. Aniya, nakikita niya kung paanong nahihirapan ang kanyang mga kaprobinsya na pagkasyahin ang kinikita kaya naman agarang ginhawa ang hiling niya mula sa pamahalaan.