Rekomendasyong P25 wage hike sa NCR hindi pa opisyal pero posibleng aprubahan – Sec. Bello

Itinanggi ni Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III ang napabalita na P25 ang naaprubahang umento sa arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sector sa National Capital Region (NCR) o Metro Manila.

Imahe mula sa Remate

Ayon sa ulat ng GMA, nilinaw umano ni Sec. Bello na hindi pa nagsumite ng rekomendasyon ang Regional Tripartite Wage and Productivity Board sa National Wage and Productivity Commission (NWPC) kaya hindi pa natatalakay kung magkano ang ibibigay na wage hike sa mga manggagawa sa Metro Manila.

“Sa akin Kasi, hindi pa nagsa-submit ‘yung Regional Wage and Productivity Board. They were supposed to submit their recommendation on wage adjustment kahapon sa commission — ‘yung National Wage and Productivity Commission. ‘Yun ang mag-a-approve sa recommendation nila. Chairman ako d’yan,”wika ni Sec. Bello.

“Puro naririnig ko, puro unofficial eh, and I cannot rely on unofficial statements kagaya ‘yung kay Mr. Ortiz (ng Employers Confederation of the Philippines o ECOP). Hindi ko alam kung saan niya nakuha ‘yung kanyang figure,” dagdag pa ng kalihim.

Wika ni Sec. Bello, hindi pa sigurado kung aaprubahan o ibabasura ng NWPC ang rekomendasyon sa wage adjustment. Gayunpaman, sinabi rin ng kalihim na mas malamang na maaprubahan ang P25-wage hike dahil resulta naman umano ito ng deliberasyon na dinaluhan ng mga employers at sektor ng mga manggagawa.

Imahe mula sa ALU-TUCP

Ang P25 na umento ay malayung-malayo sa P334 kada araw na dagdag-sahod na hinihingi ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP).

Hinala ng tagapagsalita ng ALU-TUCP na si Alan Tanjusay, sadyang inanunsyo ng ECOP ang diumano’y P25 wage increase upang hindi na iyon magbago.

“Inunahan na nila si Secretary Bello na ianunsyo para hindi na magbago,” ani Tanjusay.