Presyo ng LPG tatapyasan ng P7.50 kada kilo

Dahil sa pagbaba ng international contract price ng liquefied petroleum gas (LPG), ang presyo ng LPG sa bansa ay magbababa ng P7.50 kada kilo.

Imahe mula sa MotoPH

Para sa isang standard LPG cylinder na naglalaman ng 11 kilo, ang presyo nito ay matatapyasan ng P82.50. Sa kasalukuyan, ang halaga ng bawat 11-kilo LPG cylinder ay naglalaro sa pagitan ng P650 at P865.

Ayon sa ulat ng Manila Bulletin, ang Petron Corporation ay nag-anunsiyo ng pagbaba ng presyo ng kanilang Gasul at Fiesta Gas brands na ipatutupad sa pagsapit ng 12:01 a.m ng November 1. Bukod sa mga produktong LPG, ibababa rin ng Petron ang presyo ng kanilang Xtend Auto LPG gas ng P4.20 kada litro.

Imahe mula sa Petron Corporation

“These reflect movements in the international contract price of LPG for the month of November [Ipinapakita nito ang paggalaw ng international contract price ng LPG para sa buwan ng Nobyembre],” paliwanag ng Petron Corporation.

Ang iba pang kumpanya ng LPG ay hindi pa nag-aanunsiyo ng pagbaba ng presyo, subalit inaasahan na susunod sila sa hakbang ng Petron.

Imahe mula sa Island Gas

Katulad ng tatlong sunud-sunod na linggong pagtapyas sa presyo ng gasolina at diesel, malaking ginhawa rin para sa mga pamilyang Pilipino ang hatid ng pagbaba ng LPG prices.