Mga isda, iba pang marine creatures may sariling sementeryo sa Dagupan City

Kakaiba ang isang sementeryo na matatagpuan sa Barangay Bonuan Binloc sa Dagupan City sa Pangasinan dahil ang mga nakahimlay doon ay hindi mga tao kundi ang labi ng mga isda at iba pang marine creatures.

Imahe kuha sa Facebook page ng TV Patrol

Sa kasalukuyan ay may 39 marine creatures ang nakalibing sa fish cemetery ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-National Integrated Fisheries Technology and Development Center (BFAR-NIFTDC), kabilang na rito ang ilang balyena, dolphins at sea turtles.

Imahe kuha sa video ng ABS-CBN

Sa bawat puntod ay nakalagay kung anong uri o species ng sea creature ang nakalibing, kung saan at kailan sila natagpuan.

Ayon sa Northern Watch, may isang puntod ng balyena sa fish cemetery ang nangingibabaw at agaw-pansin dahil sa marka nito na “Unknown (Moby Dick).”

Imahe kuha sa video ng ABS-CBN

Sa nasabing puntod inilibing ang balyena na tumitimbang ng mahigit isang tonelada. Natagpuan ito sa Malabon noong 1999 at dinala sa BFAR-NIFTDC dahil walang ibang lugar na mapagtatapunan sa balyenang tinawag nilang Moby Dick, na isinunod sa pangalan ng balyena sa isang sikat na nobela na isinulat noong 1851.

Noong panahong iyon ay hindi na raw naisip ng BFAR-NIFTDC na alamin ang species ng balyena dahil ang tanging hangad nila ay agad na mai-dispose ang mga labi niyon.

Imahe kuha sa video ng ABS-CBN

Noong taong 2000, anim na spinner dolphins ang natagpuang sumadsad sa baybayin ng Sabangan sa Dagupan City na dinala sa BFAR-NIFTDC. Doon na nagsimula ang pagpaplano na magkaroon ng fish cemetery para sa mga labi ng endangered species ng mga marine creatures.