Mga basura natagpuan sa unang araw ng re-opening ng Boracay

Sa unang araw ng muling pagbubukas ng Boracay matapos ang ginawang paglilinis at rehabilitasyon nito sa loob ng anim na buwan ay may mga basura na namang nakita sa ilang bahagi nito.

Imahe mula sa Twitter account ng DENR

Ayon sa ulat ng CNN Philippines, mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mismong nakadiskubre ng mga plastic na basura na nakitang nakasiksik sa isang siwang sa rock formation sa Station 1 ng Boracay.

Ibinahagi ng DENR sa Twittter account nito ang mga larawan ng basura na natagpuan.

Imahe mula sa Twitter account ng DENR

Matatandaan na may mga basurang nakitang nagkalat sa ilang bahagi ng beachfront noong nagsagawa ng dry run ng re-opening ng Boracay dalawang linggo na ang nakararaan.

Ang dalawang insidente ay nangyari sa kabila ng pagpapaalala sa mga turista hinggil sa mahigpit na implementasyon ng no-littering policy at kahit na may mga trash bins sa paligid.

Imahe mula sa Twitter account ni Berna Romulo-Puyat

Plano ng DENR na mag-install ng mga high-resolution Closed Circuit TV cameras sa paligid ng Boracay upang mahuli ang mga taong nag-iiwan ng kanilang mga basura.

Sa isang mensahe sa Twitter, nanawagan ang DENR na magkaisa ang lahat upang panatilihing malinis ang Boracay. Nawa’y matuto nang magdisiplina sa sarili ang mga tao at umiwas nang magkalat ng basura.