Lalaki, nagtangkang lumangoy mula Cebu hanggang Bohol upang madalaw ang puntod ng magulang

Nalagay sa bingit ng panganib ang buhay ng isang lalaki nang tangkain nitong lumangoy mula sa Cebu hanggang Bohol upang diumano ay marating sa araw ng Undas ang puntod ng kanyang mga magulang na matagal na niyang hindi nadadalaw.

Imahe kuha sa video ng GMA Netowrk

Ayon sa ulat ng GMA, sinabi umano ni Ceferino Angco na wala siyang perang pambili ng ticket sa barko kaya nagpasiya siya noong Sabado, ika-27 ng Oktubre, dakong alas-onse ng gabi, na lumangoy na lang sa dagat  mula Cebu patungong Bohol kung saan naroroon ang puntod ng kanyang mga magulang na anim na taon na raw niyang hindi nadadalaw.

Kinabukasan, ika-28 ng Oktubre, nakita siya ng mga mangingisda na palutang-lutang sa Pungaton Reef sa Talisay City, Cebu ilang kilometro ang layo mula sa kanyang pinanggalingan. Hinang-hina at nanginginig umano si Ceferino nang matagpuan ito na nakakapit lang sa isang piraso ng styrofoam.

Imahe mula sa Facebook page ng The Freeman

Kuwento ni Ceferino, na ang tanging ikinabubuhay ay pangangalakal ng basura, matapos raw ang ilang oras na paglangoy ay hindi na niya maigalaw ang kanyang mga kamay kaya nagpalutang-lutang na lang siya hanggang mailigtas nga siya ng mga mangingisda.

“Di na malihok akong kamot, akong ipahuway, dugay mawa. May gali naa ko’y styro nga gigamit [Hindi ko na magalaw ‘yung mga kamay ko. Nagpahinga ako pero ayaw mawala. Buti na lang may styrofoam akong ginamit],” ani Ceferino.

Isang konsehal ng Talisay City, na kinilalang si Jojo Bacaltos, ang napahanga kay Ceferino kaya binigyan niya ito ng pamasahe patungong Bohol.

Isinailalim rin sa isang medical examination si Ceferino at nasa mabuti naman itong kalagayan.