Labor group, igigiit ang P334 dagdag sa arawang sahod sa Metro Manila

Dahil sa mataas na inflation rate na umabot na sa 6.2% nitong buwan ng Oktubre, sinabi ng isang labor group na igigiit nila ang P334 kada araw na umento sa sahod ng mga manggagawa sa pribadong sector sa Metro Manila.

Imahe mula sa IBON Foundation

Ayon sa ulat ng ABS-CBN, naghain nitong Lunes, ika-22 ng Oktubre 2018, ang Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) ng amendment sa nauna nilang petisyon para sa minimum wage increase nang makipagpulong ang grupo sa Regional Tripartite National Capital Region Wage Board.

Sinabi ni Alan Tanjusay, tagapagsalita ng ALU-TUCP, na nauna na silang naghain ng petisyon para sa P320 dagdag-sahod noong nakaraang Hunyo. Ang P320 ay ibinatay umano sa 5.2% inflation rate, subalit sa patuloy na pagtaas ng inflation rate ay igigiit na umano nila na gawing P334 ang daily wage increase sa National Capital Region.

Imahe kuha sa video ng UNTV

Inaasahan naman ni Tanjusay ang gagawing pagtutol ng mga employers sa kanilang hiling.

“Historically hindi nasusunod ‘yun but we will insist on our petition. Pagkatapos ng meetings kapag naaprubahan na, ipa-publish sa diyaryo at after 15 days po ay effective na ang wage increase,” ani Tanjusay.

Sa kasalukuyan, ang minimum wage sa Metro Manila ay P512 para sa walong oras na trabaho kada araw kaya magiging P846 ang arawang sahod ng mga manggagawa kung maaaprubahan ang petisyon.

Ang minimum wage sa mga probinsya ay mas mababa kumpara sa Metro Manila kaya naman naniniwala ang ALU-TUCP na panahon na upang magkaroon ng uniform minimum wage rate sa buong bansa dahil iisa lang umano ang presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Imahe kuha mula sa video ng ABS-CBN

Umaasa ang ALU-TUCP na sa katapusan ng buwang kasalukuyan ay malalaman na nila kung magkano ang magiging dagdag-sahod.

Ayon naman kay Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello, posibleng P20 na umento kada araw ang ibibigay sa mga manggagawa sa Metro Manila.