Kulay violet na sili, atraksyon sa Bicol at Negros Oriental

Kakaiba ang kulay ng sili na matatagpuan sa isang barangay sa Legazpi City, Albay sa Bicol Region at gayundin sa Dumaguete City sa Negros Oriental.

Pula at berde ang karaniwang kulay ng mga siling natatagpuan sa mga pamilihan, subalit isang uri ng sili ang pumukaw sa kuryosidad ng mga tao sa mga nabanggit na lugar dahil sa kulay nitong lila o violet

Ayon sa ulat ng ABS-CBN, sa Barangay Kabacan sa Legazpi City, Albay sa Bicol Region ay mainit umanong pinag-uusapan at isa nang atraksyon sa isang communal garden doon ang kulay violet na sili. Sa Camarines Sur umano nanggaling ang punla ng nasabing sili.

Imahe kuha mula sa video ng ABS-CBN

Sa panayam sa nagtanim ng siling kulay violet, kulay lang lang naman ang pinagkaiba nito sa ibang uri ng sili at nagiging kulay pula rin kapag hinog na hinog na.

Sa ulat naman ng GMA, may siling kulay violet din na matatagpuan sa Dumaguete City sa Negros Oriental. Hindi umano iyon gaanong maanghang kaya kakaunti lamang ang bumibili ng ganoong uri ng sili.

Imahe kuha mula sa video ng GMA

Dahil sa sobrang taas ng presyo ng siling labuyo ngayon, nagkaroon ng interes ang pamahalaang pamprobinsya ng Negros Oriental na mag-develop ng industriya para sa kakaibang sili. Sa kasalukuyan ay pinag-aaralan na ng kanilang Provincial Agriculture Office kung paano palalaguin ang siling violet.

May posibilidad din umanong i-export sa Korea ang mga naturang sili dahil may ilang Korean companies na nagpakita ng interes sa mga iyon.