Ilang pangalan ng bigas hindi na maaaring gamitin; SRP sa bigas ipatutupad

Ipinag-utos ni Department of Agriculture Secretary Emmanuel Piñol ang pagpapatigil sa paggamit ng ilang pangalan ng bigas simula sa darating na Sabado, ika-27 ng Oktubre.

Sinabi ng Kalihim ng Agrikultura na nagdudulot ng kalituhan ang iba’t ibang pangalan ng mga bigas sa pamilihan na maituturing na pandaraya at unfair trade practice.

“Sapagkat ito’y nakakalito na sa mga consumers at hindi makatotohanang pagbenta. That’s tantamount to deception, and unfair trade practice,” anang Kalihim sa isang panayam.

Ilan sa mga pangalan ng bigas na hindi na maaaring gamitin ay ang Super Angelica, Sinandomeng, Yummy Rice, Double Diamond at Mindoro Dinorado. Ang mga ito ay tatawagin na lamang na “special rice.”

Imahe kuha sa video ng ABS-CBN

Isang rice trader na nakapanayam ng ABS-CBN ang sumang-ayon sa hakbang ng Department of Agriculture.

“Para walang umabuso ng kita. Kasi minsan hindi naman talaga Dinorado pinapangalan nilang Dinorado,” anang rice trader.

Sa isang Facebook post ng Kalihim, sinabi nito na ang mga uri ng bigas ay tatawagin na lamang bilang”Regular Milled,” “Well-Milled,” “Premium,” at “Special Rice.”

Imahe kuha sa video ng ABS-CBN

Sa Sabado na rin ipatutupad ang suggested retail price (SRP) para sa bigas.

Ang SRP para sa regular milled rice ay P39 kilo o mas mababa, sa well milled rice ay P44 per kilo at ang presyo ng Premium Rice ay hindi maaaring lumampas sa P47 kada kilo.

Wala namang SRP na ipatutupad para sa mga special rice gaya ng  Cordillera Heirloom Rice, Organic Brown, Red at Black Rice, real Dinorado, Milagrosa, Jasponica, Dona Maria, Hinumay, Malido, Kamoros at Malagkit.

Ayon pa sa Kalihim, aalisan ng NFA license ang sinumang rice traders na lalabag sa kautusan, bukod pa sa malaking multa at criminal charges.

Source :

Facebook, PNA, ABS-CBN