Hindi hangad ang National Artist Award, respeto ng supporters sapat na kay Nora Aunor

Tuloy lang ang buhay para kay Ms. Nora Aunor o Ate Guy, na kilala rin sa taguring Superstar, kahit na muli na naman siyang inalis sa listahan ng National Artist awardees.

Imahe kuha sa video ng Radyo Inquirer

“Tuloy lang ang buhay. Tuloy ang trabaho hangga’t binibiyayaan pa rin ako ng Diyos para makapagtrabaho,” saad ng Superstar.

Sabi pa niya ay sapat na para sa kanya ang respetong ibinibigay sa kanya ng mga kasamahan sa movie industry. Hindi raw niya hinahangad ang naturang karangalan na kailan lang ay iginawad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pitong bagong national artists.

Imahe mula kay Sompat11 CC BY-SA 4.0

“Sapat na sa akin ang respetong natatanggap ko sa mga kasamahan ko sa trabaho,” aniya.

Ayon sa Inquirer, noong 2014 ay nominado rin si Ate Guy na maging National Artist subalit hindi umano ito tinanggap ng noo’y pangulong si Noynoy Aquino dahil umano sa kontrobersyang kinasangkutan niya.

Dahil sa muli niyang pagkakaalis sa listahan ng pambansang alagad ng sining, si Ate Guy na mismo ang humiling sa mga taong nagpupursige na magawaran siya ng nasabing karangalan na tumigil na.

“Kung gagamitin lang naman ang National Artist para pagpyestahan at hamakin ang mga personal kong pagpupunyagi sa buhay – ako na ang nakikiusap na itigil na natin ang lahat ng ito. Ano ba naman ang isang award kung kapalit naman nito’y ang paulit-ulit na paghamak sa pagkatao ko at sa mga taong naniniwala sa akin?” anang Superstar.

“Kalimutan na natin ang National Artist na ‘yan,” sabi ni Ate Guy sa mga Noranians  na kanyang pinasalamatan dahil sa patuloy na pagsuporta sa kanya bilang isang superstar.

Samantala, sa isang pahayag ay sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na bata pa naman si Nora Aunor at naniniwala siya na sa tamang panahon ay maipoproklama rin ito bilang National Artist.

Sabi pa ni Panelo, ang pagkakaalis sa listahan ng mga awardees ay hindi nakabawas sa katayuan ni Nora Aunor bilang isang superstar.

Ang 7 bagong National Artist awardees kasama si Pang. Rodrigo Duterte (Imahe mula sa NCCA)