Si Yaya Lea May Karapatan Ding Lumigaya

Tubong Pangasinan, lumuwas si Lea sa Maynila upang maghanap ng mapapasukan bilang yaya. Dati syang OFW pero ang perang naipon, nauwi lang sa wala. Dahil sa nanay nagpapadala, inubos lang, nilustay, at ang bahay nila hindi man lang naipagawa.

Sa perang parang bulang naglaho, nagrebelde si Lea.  Humanap ng mapagbabalingan ng atensyon.  Nakilala niya si Nestor, taga-repair ng mga sirang electric fan, washing machine, tv at kung anu-ano pa.  Inakalang sya na ang “man of her dreams” at “knight in shining armor” para makalaya sa sakit ng loob na dinulot ng kanyang ina.

Sila ay nagpakasal at nagkaron ng tatlong supling.  Ngunit ang inaakalang langit, mas impyerno pa kung tutuusin.  Sobrang seloso si Nestor.  Kinalbo si Lea at sa bahay kinukulong.

Nang makahanap ng tyempo, si Lea umeskapo! Nagkukumahog, nagmamadaling sumakay ng bus papuntang Maynila.  Ni singko walang laman ang bulsa.  Nagmakaawa sa driver upang sya ay makisakay at  sa Maynila ay makapunta. Kawawang Lea!

May pag-asang dala, si Lea tinunton ang tiya sa isang syudad sa Maynila. Walang humpay na paglakad, sumasakay sa jeep nang hindi nagbabayad, makikiusap, makikikain upang makaraos ang buong araw hanggang makarating sa paroroonan.

Aba’t mukhang inaalat, ang tiyahing sadya, hindi na pala roon nakatira.  Paano na si Lea?

Nagtanung-tanong kung saan may yayang kailangan, siya na lang ay mamasukan. Hindi naglaon, siya’y may nasumpungan.  Heto na, sana naman ang swerte ay simula na!

Mukhang ang mga dalangin ni Lea ay dininig ng Panginoon.  Ang mga naging amo ay naging tulay sa pag-asenso.  Pagkatapos ng 2 taon bilang yaya, siya ay tinulungan upang makabalik sa ibang bansa at doon ay ituloy ang pangarap.

Sinagot ng kanyang amo ang lahat ng kanyang gastusin sa Recruitment Agency hanggang ito ay makaalis papuntang Dubai. Ang tuwang-tuwang si Lea, walang mapaglagyan ang labis na kasiyahan.  Ang sabi nya, kabaitan at kabutihan nila’y gagantihan at di makakalimutan.

Ngunit isa lang ang sa kanya’y pinaalala ng mga taong tinuring syang kapamilya. Magtrabaho nang maayos para ang asenso ay abot-kamay. Tuparin ang pangarap at wag hayaang balutin ng kalungkutan.  Sa tuwing malulumbay, sabihin sa sarili, “Ako si Lea, may karapatan ding lumigaya!”