Shopaholic ka ba?

Ikaw ba ‘yung tipo ng tao na kapag araw ng sweldo eh nangangati na ang paa para pumunta sa isang mall para bumili na naman ng bagong bag, sapatos, damit, gadget at kung anu-ano pa? Kung oo ang sagot mo sa tanong ko, aba’y certified shopaholic ka nga! Sandali lang, aba’y kabibili mo lang nung nakaraang linggo ah! Yung isang sapatos na binili mo ay hindi pa nagagalaw sa kanyang box. Yung bag na binili mo, nakakabit pa ang price tag at nakabalot nang mabuti. Bakit namimili ka na naman ngayon?

Ayon sa isang Research na isinagawa sa San Francisco State University, may mga kadahilan ang pagiging shopaholic ng isang tao.
Ang salitang “ONIOMANIA” ang naglalarawan ng pagiging shopaholic. Ito ay mula sa Greek word na “ONIOS” na ang ibig sabihin ay “sale” at “MANIA” na ang ibig sabihin ay “insanity”. Ito ang salitang ginamit ng mga psychologists pagpasok ng 20th Century.

Tinatayang 2 hanggang 8 porsyento sa populasyon sa America ang may pagiging shopaholic. Samantalang wala pa namang pagsasaliksik na isinagawa dito sa Pilipinas ukol dito pero dahil sa “colonial mentality” ng mga Pinoy at ang impluwensya ng bansang Amerika, maaaring hindi nalalayo sa ganung porsyento sa mga Pilipino ang nahuhumaling sa bisyo ng labis na pamimili.

Sinasabing ang mga taong “shopaholic” ay nakakaranas ng depresyon na maaaring dala ng kalungkutan, pagkabagot, pagiging “moody” or may “eating disorders”. Lahat ng ito ay naibabaling sa “excessive shopping” kung saan nararanasan nila ang satisfaction para makaramdam ng pagiging masaya.

Sila rin ang mga taong walang humpay sa pagswipe ng kanilang mga “credit cards” at di alintana kung gaano na kalaki ang nagagastos nilang pera hanggang hindi na nila ito mabayaran.

Alalahanin natin na ang bawat sentimo na ating kinikita ay ating pinaghihirapan. Gamitin natin ito nang wasto. Wag magpadala sa mga “mall sale” at “buy 1 take 1” promo sa lahat ng panahon. Okay lang ang mamili, wag lang sobra-sobra at hindi kailangan.

Kung shopaholic ka, control lang…Wag mong bilhin ang bagay na hindi mo naman kailangan. Dahil baka dumating ang araw na kailangan mo nang ibenta ang mga bagay na kailangan mo para mabili mo ang mga pangangailangan mo.

Ipon, ipon din habang may time!