May Forever

Sabi nila, walang forever, pero feeling ko, meron naman!

Second year high school kami nang magkakilala ng husband ko. Magkaiba kami ng eskwelahan na pinapasukan. Ipinakilala sya ng kaibigan ko sa akin. Actually, crush ko na sya noon pa man kapag nakikita ko siyang dumadaan sa harap ng bahay namin. I find him “pogi”. Sabi ko pa, kamukha nya si Romnick Sarmienta na sikat na sikat nung kapanahunan namin.

School fair noon sa eskwelahan nung nakita ko sya ulit at sinabi ko sa kaibigan ko na crush ko sya. Nagkataon pala na kilala nya kaya sabi nya sa akin, ipapakilala nya ako. Nung una nahihiya pa ako kasi kami pa ang lalapit sa kanya. Pero di kalayuan, napansin nya ang kaibigan ko at kinawayan, ayun, lumapit na kami sa kanya.

Pinakilala kami sa isa’t-isa nung umaga. Natatandaan ko pa, sumakay kami sa iba’t-ibang rides nang magkasama. Halong tuwa at takot ang aking nadarama. Paano ba naman, teacher ang kuya ko sa school na pinag-aaralan ko. Pano kung makita kami?Buti na lang busy si kuya at School Fair, hindi masyado naglalagi sa campus.

Natapos ang maghapon nang nagkwekwentuhan kami at kinikilala ang isa’t-isa. Pagdating ng gabi, dumalaw na sya sa bahay. Akala ko magagalit si mama, hindi naman, kinilala lang sya. Basta sabi ni mama, wag kong pababayaan ang pag-aaral ko. Sumagot naman ako, sabi ko, “Opo, ma.”

Ginawa ko syang inspirasyon sa pag-aaral ko. At pakumbabang ise-share ko sa inyo na Valedictorian ako nung ako ay nagtapos. In-invite ko siyang umattend ng graduation ko nang wala syang alam. Gulat na gulat sya nang nalaman nya na ako ang Unang Karangalan.

Hindi madali ang mga unang taon. Nung nagkolehiyo kami, bihira kami magkita dahil magkaiba kami ng pinasukan. Pero pinatunayan naman nya na mahal nya ako. Nakakahanap pa rin sya ng panahon para makapanood kami ng sine o ‘di kaya’t pumunta sa Wildlife para maglakad-lakad, humiga sa damo at magkwentuhan.

Dala ng kapusukan, nabuntis ako pagdating namin ng Second Year College. Hindi muna kami pinakasal ni mama. Sayang ang scholarship ko, biglang naputol. Huminto ako ng isang semester para manganak. Tuloy naman sya sa kanyang pagpasok sa eskwelahan at nagpart-time job sa isang kilalang kainan para makapag-abot kahit paano man lang.

Mabait si mama at papa ko. Ni singko hindi nanghingi ng sustento. Ang importante, nasa kanila ako. Sabi nila, pagkapanganak ko, babalik ako sa Kolehiyo na siya namang ginawa ko. Hindi muna kami pinakasal dahil sabi ni mama, mga bata pa kami. Kung talagang kami, kami!

Lumipas ang mga taon, nakapagtapos kami pareho ng Kolehiyo. Nagtrabaho. Nag-ipon. Nagpasya kaming magpakasal nung may sarili na kaming ipon. 7 years old na noon ang panganay namin at nasa Grade 1 na sa isang Catholic School sa Quezon City.

Hindi man perfect, naging masaya naman ang aming pagsasama. Simpleng buhay. Nagsimula sa tatlong pinggan, tatlong baso, tatlong kutsara, tatlong tinidor, monoblock table at monoblock chair hanggang nakapagpundar din naman kahit papaano.

Pinlano namin na sundan na ang panganay pero nahirapan kami. Graveyard shift sya sa pinapasukan na isang tanyag na coffee shop samantalang pang-umaga naman ako sa opisina. Until finally one day, nagulat na lang kami, buntis na pala ako! Isa sa pinakamasayang araw sa buhay namin!

Nasundan ang panganay after 18 long years. Si kuya ngayon ay 24 years old at si bunso (babae) ay 6 na taon na.

28 years na kaming magkasama ng asawa ko simula nung sinagot ko sya at 18 years naman na kaming kasal.

Sabi ng mga kaibigan namin, parang hindi kami nagbabago. Para pa rin kaming high school maglambingan, magligawan, magmahalan at magkulitan.  At hanggang ngayon, kada mag-uusap kami sa telepono, pagkatapos, laging may, “love you forever”.

Heto ang kwento namin.  Mula noon at hanggang sa pagtanda na namin, pangakong mamahalin namin ang bawat isa.

At para sa amin, ……………………may FOREVER!