Philippine News

Abu Sayyaf Lider na nasa likod sa pagpugot ng mga ulo ng Foreigner, Patay

Bohol, Philippines- Isa sa mga lider ng teroristang grupo na Abu Sayyaf na direktang dawit sa pagpugot ng ulo ng Canadian at German nationals ay kasama sa mga napatay ng pinagsamang pwersa ng militar at pulis sa Bohol noong nakaraang Martes.

Muammar Askali, na mas kilala sa pangalang Abu Rami, ay isa sa anim na bandidong Abu Sayyaf na napatay ng mga sundalo at kapulisan sa isang araw na bakbakan sa bayan ng Inabanga, Bohol ngunit kumitil din ng 3 miyembro ng AFP at isang pulis ayon kay Gen. Eduardo Año, chief of staff ng AFP.

Si Abu Rami ay ang dating tagapagsalita ng bandidong grupo na kilala sa pagbobomba sa mga pambulikong lugar, pangingikil, kidnap for ransom at pagpugot sa mga ulo ng mga foreigner sa Mindanao.

Ang grupo ni Rami ay sangkot sa pag pugot ng ulo ng Canadians na si John Ridsel at Robert Hall noong taong 2016 at German na si Jürgen Gustav Kantner ngayong Pebrero nang hindi magbayad ng ransom.

Natagpuan ang bangkay ni Rami ng mga sundalo at ito ay kinunan ng litrato upang maging ebidensiya. Ang kuha ay positibong kinilala ng mga nadakip na Abu Sayyaf ayon kay Gen. Año.

“Para siyang si Abu Sabbaya kung matatandaan ninyo, mahilig magpa-interview, mahilig lumabas sa YouTube, at pinapakita niya na isa siyang capable subleader,” dagdag ni Gen.Año.

Ang pagkapatay kay Rami ay isa lamang kumpirmasyon na ang teroristang grupo ay gumagawa na nang operasyon malayo sa kanilang lungga na Basilan. Ang grupo ni Rami ay nagplano na magkidnap ng mga turista sa Loboc ngayong panahon ng kwaresma kung saan madaming turista na dadayo sa Bohol.

Ayon kay Gen.Año noong Martes, na 11 miyembro ng Abu Sayyaf kasama ang 2 lider nito ang sumurender sa tropa ng gobyerno sa bayan ng Sanga-sanga, Tawi-tawi.

Samantala,nagpadala na ng karagdagang sundalo ang AFP para sa pagpapatuloy na operasyon sa Bohol.

Source :

CNN, ABS-CBN